Higit sa Salita

Picture
Yogyakarta, 2012

Dear Ate Belle,  

Kamusta?  

Alam ko na wala namang point na magsulat ng sulat sa mga patay. Pero iniisip ko, siguro, kapag pwede na ang mag-time travel, madadala ko itong sulat na ito sa’yo. O baka, merong makakabasa ng sulat na ito sa future, at magta-time travel siya para ipabasa sa’yo.

Mahigit isang taon na nung nawala ka. Minsan, nakakalimutan ko na wala ka na. Kapag nagluluto ako, o nagtitiklop ng mga linabhan, o naggo-grocery, iniisip ko kung paano mo ginagawa ito dati para sa amin. 

Siguro napakareductive na isipin na ito ang mga bagay na nagpapaalala sa akin nung buhay ka pa. Sa makakabasa, siguro iisipin nila na napakababaw ng perception ko tungkol sa’yo, na ang naiisip ko lang ay yung mga panahon na naninilbihan ka. Na nagsisilbi ka.

Pero para sa akin, dun mo higit na ipinakita ang pagmamahal mo. Doon ko pinakanaramdaman ang pagmamahal mo sa amin. Sa serbisyo. Na inalay mo ang buhay mo para sa amin. Marahil, sa tahimik mong paraan, ipinakita mo na mahal mo kami. 

Kasi hindi ba, ganun talaga ang pag-ibig? Na wala iyon sa salita, kung hindi sa gawa. Sa araw-araw na pagpaparaya, na pagpapatuloy, na pagpupursige. Marahil, ang malaking aral na naituro mo sa amin ay mas matimbang ang pag-ibig na ipinamalas sa gawa, mahigit pa sa salitang binitawan dala ng bugso ng damdamin.

Naiisip ko, para saan? Para saan ang lahat? Karapat-dapat ba kami sa pag-ibig na binigay mo? Minsan iniisip ko na hindi kami siguro ang karapat-dapat nakatanggap ng pagmamahal mo. Siguro may ibang tao na mas deserving nuon. 

Ngunit, siguro, hindi mo naman inisip na may kapalit, na sa bawa’t inalay mo, may nakaabang na kabayaran. Kahit na nanilbihan ka bilang kasambahay, alam ko na hindi mapapalitan ng kahit anong halaga ang buhay na ibinigay mo para sa amin. 

Gusto kong matuto kung paano magmahal katulad mo: na kahit nakakatakot, ay patuloy na nagbibigay. 

Ate Belle, iniisip ko na yakap kita ngayon. May isang hibla sa kawalang-hanggan na magkayakap tayo, at hindi iyon natatapos. Sa isang hibla ng kawalang-hanggan, hawak mo ang kamay ko. 

Mahal na mahal kita. Nami-miss kita, Ate Belle. 

Paalam muli,
​Evan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: